6 timbog, P740K halaga ng shabu nakumpiska sa high-end condo sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2019 04:20 PM

Anim ang arestado sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang high-end condominium na ginawa na umanong drug den sa Mandaluyong City nitong Sabado.

Kabilang sa mga naaresto ang isang lisensiyadong engineer na pinaniniwalaang nagpapatakbo ng umano'y drug den.

Namataan din sa umano'y drug den ang isang 12 anyos na dalagita at 8 buwan na sanggol.

Nakumpiska sa drug den ang 110 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P740,000.

Pinabulaanan ng mga suspek na sangkot sila sa droga.

Giit ng engineer, gumagamit lang umano siya pero hindi raw siya nagpapatakbo ng drug den.

Dagdag niya na ang mga kaibigan niya umano ang nagdala ng droga sa unit.

Naaresto rin sa operasyon ang isang babae, na giniit na pumunta lamang siya sa unit para mamasukan bilang katulong.

"Pumunta ako doon para kunin ang bata, alagaan. Nangangatulong lang po ako doon," ayon sa babae.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.