'Oplan Tambay' sinisi sa pagkamatay ng lalaking pinabili ng noodles

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2018 08:44 PM | Updated as of May 06 2019 03:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinukuwestiyon ng isang pamilya sa San Jose Del Monte, Bulacan ang kalunos-lunos na sinapit ng kanilang kaanak sa kamay ng pulisya na hinihinala nilang "dinampot" sa Oplan Tambay bago mapatay. 

Bangkay na kasi nang matagpuan si Catalino "Nono" Cabas Jr. isang araw matapos mawala.

Kuwento ni Rosalina Cabas, ina ng biktima, Hunyo 19 nang utusan niya ang anak na bumili ng noodles ngunit di na ito nakabalik. 

Kinabukasan ay nabalitaan nilang dinampot umano ng mga pulis ang lalaki. 

"Pagkatapos kong maggupit ng tsinelas noon, inutusan ko na bumili muna siya ng sigarilyo at noodles, sabi ko 'anak, bili ka muna' dahil nga nagugutom ako," kuwento ni Cabas.

Ayon sa nanay, Hunyo 20 ay may nagsabi na lang sa kaniyang si Nono ay kasama sa mga tambay na dinampot ng pulis. 

Hinanap nila ito sa presinto pero hindi nila nakita at makalipas ang maghapon ay sa punerarya na natunton ang bangkay ni Nono.

Pero depensa ng mga pulis, hindi totoong sa punerarya na lang natagpuang patay si Nono dahil ang lalaki ay napatay on-the-spot sa isang buy-bust operation.
    
Dokumentado ang pangyayari at ipinakita din ng hepe ng pulis ang kopya ng official report ng operasyon na ginawa di kalayuan sa tirahan ng biktima.

Ang retrato ni Nono nu'ng mapatay ay tugma sa suot niyang boxer noong umalis ng bahay.
        
"Nagkaroon po kami ng buy-bust operation noon, at si Nono ay napatay nu'ng manlaban, binaril niya ang pulis natin," paliwanag ni Superintendent Fitz Macariola, hepe ng San Jose Del Monte police.

Tiniyak din ni Macariola na kapag may nadadampot silang tambay ay hindi nila ito dinadala sa kanilang presinto.

"Walang aresto...Turnover agad sa barangay hindi sa amin," ayon sa pulis.

Gayunpaman, hustisya pa rin ang hiling ng ina ng biktima.

"Sana naman pag may dinampot sila, kasuhan kung may kasalanan...Hindi 'yung titirisin na lang nila na parang lamok," hinaing ni Cabas. 

Mahigit kalahating buwan nang nakaburol si Nono dahil hindi pa maitawid ng pamilya ang gastos sa punerarya pati sa libing.
    
—Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.