ALAMIN: Karapatan ng iniimbestigahang akusado na nasa kamay ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2018 08:26 PM | Updated as of May 09 2019 02:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay naging usap-usapan ang nakuhanan sa video na pagpapahubad at pagpapatuwad ng ilang pulis-Makati sa mga umano'y nahuli sa operasyon kontra droga. 

Depensa naman ng isa sa mga pulis, "demo" o paghahalimbawa ng body search ang nakuhanang ginagawa nila sa mga pinaghubad kabilang ang isang babae.

Ayon sa isang abogado, may mga karapatan ang mga akusadong nasa pangangalaga ng pulisya at ang mga isinasailalim sa custodial investigation o pagsisiyasat.

"Batayang prinsipyo na lahat ng tao ay may dangal [at] dignidad," ani Atty. Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

"Ibig sabihin...pinakapayak na prinspyo [ay] hindi ka dapat nababastos [at] hindi ka dapat nililibak," dagdag niya.

Unang-una ay kailangan aniyang malaman ng akusado ang mga karapatan nito na nakasaad sa Miranda rights.

Giit ng abogado, ang Miranda rights ay dapat sabihin ng pulis sa akusado sa lengguwahe na naiintindihan nito.

"Dapat nakatitiyak ang pulis na nauunawaan ng akusado 'yong kanilang sinasabi kasi ang isa sa mga pinag-uutos ng batas...sabihin at ipaliwanag sa wikang nauunawaan ng akusado," ani Del Prado. 

Karapatan din aniya ng akusado na manahimik dahil lahat ng sasabihin nito ay maaaring magamit laban dito.

"Hindi niya (akusado) kailangan magsalita talaga. Kumbaga, 'yong katotohanan na nandoon siya sa presinto ay pinagsususpetsahan na siya," anang abogado. 

"Ibig sabihin kahit na anong pagtatanong diyan ay mayroon nang koneksiyon sa posibleng partisipasyon sa isang krimen." 

May karapatan din aniya ang mga akusado na magkaroon ng abogado.

Maaaring maharap sa pagkakakulong na aabot sa 6 na taon at pagmultahin ang awtoridad na mapapatunayang nilabag ang karapatan ng akusado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.