Teenager na nagreklamo ng rape vs 2 pulis, patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 03:33 PM | Updated as of Jul 05 2020 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang 15 anyos na babae matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang pauwi mula sa police station sa Cabugao, Ilocos Sur.

Galing police station noong Huwebes ang biktima para maghain ng pormal na reklamo laban sa 2 pulis na umano ay nanggahasa sa kaniya, ayon sa kaanak ng biktima.

Sakay ng motorsiklo ang biktima kasama ang kaniyang tiyuhin at kapatid nang banggain sila ng mga nakamotorsiklong lalaki sa may Barangay Daclapan.

Matapos banggain, pinagbabaril ng mga salarin ang biktima, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekober ng mga awtoridad sa crime scene ang 4 na basyo ng kalibre .45 na baril.

Ginahasa umano ng 2 pulis ang biktima at pinsan nito matapos mahuli ang mga ito dahil sa paglabag sa curfew.

Sinusubukan pa ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng Cabugao police.

Kinondena naman ng Anakbayan sa Ilocos region ang karumaldumal na krimen.

Mga pulis pa ang mga suspek gayong sila dapat ang nagpoprotekta sa mga tao, ayon sa Anakabyan. -- Ulat ni Ria Galiste, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.