Mga tsuper ng traditional jeeps umapela muli para makapasada

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 06:19 PM | Updated as of Jul 05 2020 09:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patuloy ang pagmamakaawa ng mga tsuper ng traditional na jeep sa agarang pagbiyahe ng mas maraming ruta.

Nasa 49 ruta lang ang unang pinayagan kaya tengga pa rin ang mga tsuper sa higit 500 ruta sa Metro Manila.

Sa kahabaan ng Roces Avenue sa Quezon City, pansamantalang nakatengga ang jeep ni Reborn Nemaria.

Dahil hindi napabilang sa mga pinayagang pumasada, kailangang kumayod ni Nemaria sa ibang paraan.

"'Di namin alam kung ano gagawin namin ngayon," ani Nemaria.

Kung pangkain pa lang ay problemado na siya, lalo raw na hindi niya kayang bumili ng modernong jeep.

"Hindi kakayanin bayaran 'yang modernization sa ruta namin dahil maiksi lang kami, minimum lang pamasahe sa amin," ani Nemaria.

Handa naman umano ang tsuper na si Juanito Velasco na sumunod sa safety protocols at road worthiness test para sa kaniyang traditional na jeepney.

"Panawagan lang namin kay Mister President or kay Sec [Arthur] Tugade na sana hindi naman niya deretsuhin na i-phase out ang jeep. Sana paunti-unti," ani Velasco.

Kabilang sa inilabas na requirements bago bumiyahe ang updated na rehistro at personal passenger insurance, at pagkakaroon ng QR code mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Pero para sa grupo ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), patibong lamang ito para sa planong tuluyan nang ma-phase out mga traditional na jeep.

"Kailangan mag-surrender daw kami ng aming prangkisa para makasali kami sa 49 na ruta na pinayagan," ani ACTO President Efren de Luna.

"Ang sumunod diyan iwa-wash out lahat ng mga prangkisa namin, mangyayari diyan magkakaroon ng new applicant sa ruta namin," ani De Luna.

Una nang tiniyak ng LTFRB na madadagdagan pa ang mga papayagang bumiyahe na traditional jeep sa mga darating na araw.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.