Ilang naaresto sa anti-terror bill protest sa Laguna pinalaya na

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2020 12:46 PM | Updated as of Jul 05 2020 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(2nd UPDATE) Nakalaya ngayong Linggo ang 3 sa 11 aktibistang inaresto kahapon habang nagpoprotesta laban sa anti-terror law sa lungsod ng Cabuyao, Laguna.

Ang mga pinalaya ay iyong 3 menor de edad, na hindi rin sinampahan ng anumang reklamo matapos isailalim sa medical examination.

Nananatili naman sa kustodiya ng Cabuyao pulis ang 8 iba pang nagprotesta.

Ayon kay Calabarzon police spokesperson Capt. Mary Ann Torres, paglabag sa quarantine protocol at illegal assembly ang ilan sa mga kasong isasampa laban sa 8 aktibista.

Nakatakda ang inquest laban sa mga naaresto sa Lunes, Hulyo 6, ani Torres.

Hinuli Sabado ng hapon ang 11 noong patapos na umano ang kanilang protestang idinaos sa Barangay Pulo.

Ayon kay Casey Cruz, tagapagsalita ng Bayan Southern Tagalog, naging maayos ang pagdaraos ng kanilang protesta kaya nagulat sila nang bayolente silang pinaghuhuli ng mga pulis at militar.

Ayon naman sa isa pang nagprotesta na si Karl Salgado, miyembro rin ng Bayan Southern Tagalog, halos lahat sila ay nagtamo ng mga sugat dahil sa pagkaladkad ng mga nakauniporme at nakasibilyan ng mga pulis at sundalo.

Halos masakal na aniya siya at nasira na ang damit niya sa tindi ng paghuli sa kanila.

Iginiit ng binasagang "Cabuyao 11" na wala silang nilabag na batas dahil naka-face mask at sinunod naman nila ang physical distancing sa protesta.

Nangangamba ang mga progresibong grupo na hindi pa man napatutupad ang bagong Anti-Terror Law, agad na itong pinatikim sa kanila.

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes ang bagong batas na layong mabigyan ngipin ang pagpapanagot sa mga sangkot sa terorismo.

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.