'Park for Learning' ipinapatupad sa isang paaralan sa Tayabas

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 10:56 AM | Updated as of Jul 05 2019 09:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

TAYABAS, Quezon – Nakabuo ng kakaibang paraan ang isang elementary school sa Tayabas para mas madaling matutong bumasa ang kanilang mga mag-aaral.

Pagkatapos ng flag ceremony kada alas-7 ng umaga, may routine na ginagawa ang mga mag-aaral sa Mate Elementary School bago magtungo sa kanilang mga silid-aralan.

Ito ay ang paglibot sa bawat parte ng Park for Learning, isang sistema na binuo ng principal at mga guro ng paaralan.

Una, dadaan ang mga mag-aaral sa Alphabet steps. Susunod ang pagpapantig, consonant blend, phrase, pagbuo ng pangungusap, maikling kwento at ang pag-intindi dito.

“Dumaan din naman tayo sa pagkabata. Boring yung bata nasa loob lang ng classroom tapos teacher lang nagsasalita. Maganda yung nag-eenjoy din sila," pahayag ni school head Jeffrey Dimailig.

Ganado ang mga estudyante lalo na ang Grade 6 pupil na si Jaris Merly Salen na kabilang sa mga Little Teachers at isa sa mga nagtuturo sa mga nakababatang estudyante.

"Masaya po kasi natututo sila pati po ako pangarap ko po maging teacher," sabi ni Salen.

Nagpapasalamat naman ang mga magulang para dito.

"Nakaka-proud po pag nakikita mo yung bata kaya nagpapasalamat kami," sabi ng Parents-Teachers Association president Loreta Edora.

Tiniyak naman ng barangay na ligtas sa mga kawatan at gustong manira ang eskuwelahan.

"Nagpaparonda po kami dito buong araw," sabi ni Chairman Johnny Sumilan.

Mula sa higit 90 estudyante, aabot na sa higit 100 ang nag-aaral sa naturang eskuwelahan. Marami pa umanong plano para dagdagan ng laman ang Park for Learning basta ang lahat ay para sa pagpapaunlad sa kaalaman ng mga bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.