Operasyon ng pabrikang nagtatapon ng 'hazardous waste' sinuspende

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tuluyan nang sinuspende ng Department of Environment and Natural Resources ang pagawaan ng kaldero sa Marilao, Bulacan na umano’y nagtapon ng aluminum dross o latak ng pagproseso ng aluminum.

Ito ay matapos mapilitang lumikas ang ilang residente bunsod ng masangsang na amoy na idinulot ng aluminum dross.

Ayon sa Environmental Management Bureau, papayagan lang ulit na makapag-operate ang planta kapag naituwid na nila ang paglabag na nagawa nila.

"Dini-direct na din natin sila na mag-stop sila ng commercial operation nila, today, they should stop that. And they should submit 'yung remediation plans in three days. Hindi basta-basta tabunan lang 'yan," ni Lormelyn Claudio, Regional Director ng EMB sa Region 3.

Paliwanag ng EMB na hindi basta-bastang maaaring panambak ang naturang latak at maselan dapat ang pag-iingat dito, na hindi umano ginawa ng planta.

Sa pag-iinspeksiyon ng ahensiya nitong Biyernes, nakita ng mga opisyal ang mga nakatambak na aluminum dross na halos kapareho umano ng sample na nakuha nila sa tambak ng lupa sa bakanteng lote sa Marilao.

Aminado umano si Ronald Gamit, production supervisor ng planta, na sila ang nagtapon sa bakanteng lote ng latak ng pagproseso ng aluminum.

“‘Yun ang nabiling lupa ng boss namin, panambak nga po 'yun. Hindi namin alam na pag nababasa pala (ng tubig), ganu'n nagiging reaction,” pahayag ni Gamit.

Nagbabala naman ang alkalde ng Marilao na si Ricardo Silvestre na ipapasara niya ang planta kung tuluyan pa rin itong lalabag.

Patuloy ang water and air sampling and monitoring na ginagawa ng DENR sa paligid para matukoy kung may masamang epektong idinudulot sa kalikasan ang mga latak ng pabrika na itinapon.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.