2 nahulihan ng P6.8-M 'shabu' sa parking lot ng mall sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 04:38 PM

Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency noong Huwebes ang umano’y dalawang big-time na drug suspect sa buy-bust operation sa loob ng parking lot ng isang mall sa Bacoor City sa Cavite. 

Kinilala ang dalawang suspek na sina Jubaire Kitab at si Ato Kasim. Si Kasim ang itinuturo ng PDEA bilang kanang-kamay ng isang dating alkalde ng Maguindanao na big-time umanong drug personality. 

Nakitaan ang dalalawang suspek ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon na isinilid sa lalagyan ng tsaa sa buy-bust operation. 

Ayon sa PDEA, alipores umano ang mga suspek ng isang Chinese drug lord na nakakulong sa Bilibid. Anila, nagmamando ang Chinese drug lord, ang dating mayor, at si Ato kung paano ang takbo ng negosyo sa shabu. 

Umaabot ang kanilang operasyon sa Zamboanga, Tacloban, at maging sa Las Piñas, at Cavite.

Giit ng dalawang suspek hindi nila kilala ang dating mayor at ang umano’y Chinese drug lord.

Hindi rin umano gumagamit ng shabu ang mga suspek.

Nasa kustodiya ng PDEA ang dalawang suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.