1 patay, 5 kritikal sa banggaan sa Misamis Oriental

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 10:04 PM

MISAMIS ORIENTAL—Isa ang patay habang 5 naman ang kritikal sa banggaan ng isang bus at tricyle sa Barangay Kabulawan, bayan ng Lagonglong alas-2 ng hapon Biyernes.

Ayon sa pulisya, papuntang Gingoog city ang Pabama Bus at nakasalubong nito ang tricycle na papuntang bayan ng Salay.

Bigla umanong nag u-turn ang tricycle at sumalpok sa kasalubong na bus.

Dead on arrival sa ospital ang driver ng tricycle na si Efraim Cabigon habang kritikal ang mga sakay nito na kinilalang sina Anecia Horedico, Chen Baldisanso, Editha Baldisanso, Francis Horedico at Hilbert Aricayos.

Magkamag-anak ang sakay ng tricycle at bibili sana ang mga ito ng gagamitin sa lamay ng tatay ni Cabigon.

Nakakulong na sa Lagonglong Municipal Police Station ang driver ng bus na posibleng kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries kung hindi makikipag areglo ang mga pamilya ng mga biktima. — Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.