Mas madaming pahina sa pasaporte, 'pinag-aaralan' ng DFA

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2018 04:41 PM | Updated as of Jul 05 2018 05:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilahad ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad na madagdagan ang mga pahina ng pasaporte.

Ayon sa DFA, hindi madali ang pagsasakatuparan ng nasabing suhestiyon ngunit nakahanda anila ang ahensiya kung maipatutupad ito.

"Hindi basta-basta mababago kasi kung babaguhin 'yong booklet, it will take time," ani DFA Asec. Frank Cimafranca sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM nitong Miyerkoles.

"Pinag-aralan na rin natin 'yan. We have already prepared for that. In case na i-implement natin 'yong pagdagdag ng pahina sa passport, then we will be prepared to transition,"dagdag niya.

Tinitingnang maipatupad ang pinaraming passport pages kasabay sa paglalabas ng "third generation passport."

"The third generation passport 'yan 'yong pinag-aaralan natin nang husto 'yan. This passport will have more pages at 'yong data page will be using polycarbonate material," saad ni Cimafranca.

Sa kasalukuyang pasaporte ay 44 ang mga pahina na nakalagay.

Kabilang sa mga kailangan talakayin ay ang disenyo at seguridad ng mga dagdag na pahina.

Kailangan din pag-usapan ang magiging epekto nito sa mga aplikante dahil posible aniyang magmahal ang passport application kung maipatutupad ito.

"We just need to secure the clearance of our policy makers including members of Congress...it will also impact on our budget at pangalawa, it will impact on the passport applicants kasi 'pag gagawin natin yan magmamahal." ani Cimafranca.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.