49 bahay nasira sa pananalasa ng buhawi sa Tarlac

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2018 09:05 PM


CONCEPCION, Tarlac - Nasa 49 bahay ang nasira sa pananalasa ng buhawi sa bayang ito Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa mga residente ng Barangay San Francisco, bumuhos ang malakas na ulan bago nabuo ang buhawi.

Nagtagal umano nang halos 5 hanggang 10 segundo ang pagdaan ng buhawi. Tinangay nito ang mga bubong ng ilang mga bahay.

Natumba rin ang mga pader ng bahay at tinangay ng malakas na hangin ang iba pa nilang mga gamit.

Nagpaabot na ang lokal na pamahalaan ng tulong sa mga apektadong pamilya. Inihahanda na rin ang tulong pinansiyal para sa kanila.

Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, 17 bahay ang totally damaged habang 32 ang partially damaged.

Bagama't may mga nasugatan at nabalian, wala namang nasawi sa insidente.

Ayon sa awtoridad, iwasang lumabas ng bahay kapag may buhawi. 

Mainam rin umanong sumilong para maprotektahan ang sarili at lumayo sa mga poste ng kuryente at mga puno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.