Mag-live-in partner, patay matapos masabugan ng granada

Danielle Louise Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 06:48 PM

Patay ang mag-live-in partner matapos silang masabugan ng granada habang natutulog sa Isabela bago mag-madaling araw Miyerkoles.

Patay ang mag-live-in partner matapos hagisan ng granada ng isang hindi pa nakikilalang salarin ang kanilang bahay sa Roxas, Isabela bago mag-madaling araw Miyerkoles.

Butas-butas ang silid nina Bernard Teel at Lorna Lita Guiao dahil sa shrapnel na dala ng pagsabog sa kanilang silid habang mahimbing na natutulog ang dalawa.

Sa paunang imbestigasyon, posibleng hinagis ang granada sa isang awang sa bintana ng kanilang silid. Nasalo raw ito ng kulambo kaya hindi direktang sumabog sa mga biktima.

Tinitingnang motibo ng pulisya ang personal na galit o alitan kay Teel. Nasangkot daw ito sa kasong frustrated homicide at carnapping pero naareglo.

Ayon sa nanay ni Teel, naikwento umano ng anak sa kaniyang tiyuhin na may nakasagutan ito noong nakaraang linggo.

Tinitingnan din ng pulisya kung may CCTV camera na nakahagip sa naghagis ng granada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.