Programa para sa mga magsasaka, small business owners ng Cagayan Valley inilunsad

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 05:26 PM | Updated as of Jul 04 2020 06:37 PM

MAYNILA - Naglunsad ng programa ang Department of Trade and Industry na layong matulungan ang mga maliliit na negosyo sa Region 2 sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Ito ang “Bagsakan” program na nais maabot ang mga magsasaka at maliliit na negosyo sa Cagayan Valley region na kinabibilangan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino. 

Ito'y para matulungan ang mga micro, small and medium scale enterprises ngayong panahon ng pandemya. Marami aniyang maliliit na negosyo ang apektado ngayon.

Dadalhin ang iba't ibang produkto sa Metro Manila gaya ng saging, citrus fruits, dragon fruit, rattan fruit, golden queen mangoes, native garlic, talong, ampalaya at marami pang iba. 

Galing mismo sa mga magsasaka ang produkto kaya nakakasigurong sariwa ang mga ito.

Mayroon ding mga processed food gaya ng Tuguegarao premium longganisa, chicharabao, pineapple jam, fruit wine, Cagayan coffee at marami pang iba. 

May mga native products din gaya ng woven masks, essential oils at native blankets.

Kailangan um-order muna direkta sa mga seller. Makikita ang contact number at listahan ng mga produkto sa Facebook page ng Bureau of Domestic Trade Promotion (BDTP). 

Ang pick-up ay sa July 7, Martes sa DTI Head Office sa Makati.

Ito na ang ika-14 na Bagsakan simulan Marso at umabot na sa P4 milyon ang naging kita ng mga magsasaka at small businesses sa mga probinsya sa pamamagitan ng programa.

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.