‘Perwisyong sangkatutak’: Aling Marie, nakiisa sa panawagang ipasa ang ABS-CBN franchise

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 11:05 PM | Updated as of Jul 04 2020 11:30 PM

Galit na galit na bumanat ang internet sensation na si Aling Marie habang hinihintay ang pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN. 

Sa isang video sa Facebook na tumagal ng halos tatlong minuto, naging emosyonal si Aling Marie, o Marie Dinglasan sa totoong buhay, at sinabing perwisyo ang pagkawala ng broadcast network sa himpapawid pati na ang pagtigil ng digital TV operations nito.

"Bakit kailangang personalin niyo ang ABS-CBN? . . . Hindi niyo ba alam [na] ang galit niyo sa ABS-CBN ay galit niyo sa sambayanang Pilipino?" saad niya.

Dagdag ni Aling Marie, para sa mga "maliliit" na tao tulad niya, tinanggalan sila ng tangi nilang kaligayahan. 

Nakiisa rin si Dinglasan sa online Kapamilya prayer rally nitong Biyernes, kung saan siya'y tumayo bilang boses ng mga senior citizen at pangkaraniwang Pilipino. 

 

Sa online Kapamilya prayer rally, naniniwala si Aling Marie na magdudulot ng kasiyahan, kapayapaan at kaginhawaan para sa masang Pilipino ang pagbabalik ng network sa ere. 

“Ang ABS-CBN po ang tangi naming libangan na libre. Libreng panonood ng teleserye para sa matatanda at bata, balita para makasagap para sa mga Pilipino,” aniya. 

“Nakikiusap kami bilang mamamayan, sana naman ay pakinggan niyo kami kahit ngayong pagkakataon lang, sana naman 'wag natin idamay ang kaligayahan ng sambayanan,” dagdag niya. 

Matatandaang naglabas nitong Martes ang National Telecommunications Commission ng alias cease and desist order laban sa ABS-CBN Corp. para ipatigil ang digital TV transmissions ng TVPlus at isa naman sa SKY Cable Corp. para sa SKYdirect.

Nakilala si Aling Marie nang magbitaw ito ng maaanghang na salita laban sa mga troll noong nakaraang buwan, kung saan sinabi niyang ibabandera din niya ang kulay kayumanggi. 

Bukod sa pakikiisa nito sa panawagang bagong prangkisa, nakiisa rin siya sa pagpapabasura ng Anti-Terror Bill noong Independence Day "Grand Mañanita" sa UP Diliman.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.