Mga tsuper na hindi saklaw ng balik-pasada ng mga jeep, nais makabiyahe muli

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 06:18 PM

Dahil sa lockdown, napilitang manlimos ang ilang tsuper dahil sinuspinde ang kanilang pamamasada. Ngayong pinayagan na ng LTFRB ang pagpasada ng piling jeep, umaapela ang ilang tsuper na payagan na ulit silang makabiyahe. File Photo

MAYNILA - Nananawagan ang ilang tsuper na hindi kasama sa ikinasang balik-pasada ng mga jeepney noong Biyernes na payagan na silang makabiyahe matapos ang apat na buwan na pagkatengga.

Kahit hindi pa kasama sa listahan, ihinahanda na ng driver-operator na si Michael Navarra ang kaniyang sasakyan. 

Ipinambili niya ng plastic cover at iba pang gamit ang mga natanggap niyang pera sa pamamalimos sa kalsada. 

At kahit kalahati na lang ang maisasakay niya, puwede na ito, may ipambili lang ng pagkain. 

“Nangangarap kaming mabalitaan na makabiyahe na kami. matigil na ang panlilimos namin sa kalsada. Sana po payagan na kami,” ani Navarra. 

Ito rin ang hangad ng grupo ng mga driver, operator, at barker ng rutang Tandang Sora-Visayas Avenue na iginiit na kaya nilang tugunan ang mga requirement ng LTFRB. 

Kaya hiling anila, sana raw payagan silang makapasada dahil 4 buwan na silang nakatengga. 

Ipinatigil ang mga jeepney kasama na ang ibang mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon nang ipatupad ang enhanced community quarantine noong gitna ng Marso. Sa pagluwag naman ng quarantine restrictions at dahan-dahang pagbabalik ng public transport, naiwan ang mga tsuper ng jeepney. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Paisa-isa lang ang dating ng mga pasahero sa terminal ng tradisyunal na jeep sa Araneta Avenue sa Quezon City. 

Ang bawat pasahero, kinukuhanan muna ng temperatura, pinag-aalcohol, pinatatapak sa foot bath at pinagbabayad bago umakyat ng jeep. 

Kaunti man ang sumasakay kumpara dati, mas mabuti na raw ito kaysa wala. 

“Mahina pa rin po, ma’am, hindi pa alam ng mga pasahero na may biyahe na po dito. mabagal pa po ang pila namin. Pero okay naman po, may pangkain,” ani Joseph Ignacio, isang jeepney driver. 

Isa ang ruta ni Ignacio sa 49 rutang inaprubahan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board sa pagbabalik-pasada ng mga jeep. 

Pero para sa grupong Piston, maliit na porsiyento lang ito. 

“Yung aktwal na namamasada ay ilang hundreds lang iyon. Mayroon pang requirements na kailangan tugunan muna... 49 ruta out of 547 routes, wala pang 10 percent 'yan,” ani Piston Secretary-General Steve Ranjo. 

Una nang sinabi ng LTFRB na madaragdagan pa ang mga tradisyunal na jeep na papayagang bumiyahe sa iba pang ruta sa mga susunod na araw. 

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.