Lalaki patay matapos 'manlaban' sa Taytay, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 05:56 AM

MAYNILA - Dead-on-the-spot ang isang lalaking matapos itong manlaban umano sa pulisya sa isang buy-bust operation sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal nitong Biyernes.

Kinilala lamang sa alyas "Jeffrey Muslim" ang target ng operasyon. 

Ayon sa Taytay municipal police, napagkasunduan ng suspect at ng police poseur buyer na magkita sa Road 8 sa nasabing barangay para doon gawin ang transaksyon.

Habang isinasagawa ang bentahan ng droga, napansin ng suspect na tila may mga pulis sa paligid kaya't agad umano itong nagpaputok ng baril.

Dito na napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad, at tinamaan ang suspek. Pero nagawa pa rin nitong makatakbo.

Sinundan ng mga pulis ang Jeffrey Muslim hanggang sa matunton ng mga ito ang bahay na pinasok ng suspek.

Dito muling nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa napatay na ang suspek.

Nakuha sa crime scene ang nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may halaga na P1.3 million. Nakuha din ng mga awtoridad ang isang kalibre .45 na baril at mga basyo ng bala.--Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.