Kahit inulan, mga grupo di nagpatinag sa pagkalampag vs Anti-Terror Law

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 04:56 PM | Updated as of Jul 04 2020 11:26 PM

Kahit inulan, di nagpatinag ang mga grupo na nagprotesta ngayong Sabado sa University Avenue sa Diliman, Quezon City, matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang kontrobersiyal na Anti-Terror Law. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Kahit inulan, hindi nagpatinag ang mga grupong nagprotesta ngayong Sabado matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersiyal na Anti-Terror Law. 

Nakahilera na may physical distancing ang mga nagprotesta na nanawagang ibasura ang batas. 

Sa protesta, ipinanawagan ng ilang rallyista na bigyang prayoridad na sugpuiin ng bansa laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Nanawagan din silang ibalik ang pampublikong sasakyan at bigyang prayoridad din ang mga karapatan ng mga guro ngayong pandemya. 

Layunin ng Republic Act 11749 — o Anti-Terrorism Act of 2020 o binansagang anti-terror law — na mabigyang ngipin ang kasalukuyang batas pagdating sa pagpapanagot sa mga sangkot sa terorismo, sa kabila ng panawagang ibasura ito sa pangambang magamit ang batas laban sa mga kritiko ng administrasyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Una nang nagpahayag ng pangamba ang ilang grupo na inaagaw umano nito ang ehekutibo na kapangyarihan ng mga korte, at sa pangambang may mga warrantless arrest umano na ikakasa ang mga gobyerno sa mga tingin nilang mga terorista. 

Pangamba rin umano ng ilan na maaaring magamit ito laban sa mga kritiko ng administrasyon.

ONLINE RALLY 

May iba naman na online idinaan ang pagkalampag kontra sa batas. 

Kabilang na rito ang ilang lider ng rights at civil groups na nagsagawa ng online protest ngayong Sabado. 

Para kay dating Human Rights Commission chairperson Etta Rosales, tila hindi napakinggan ng pangulo ang pulso ng masa. 

“Instead of listening to the call of the people, the government has prioritized silencing the people, especially its critics. The law aims to end terrorism, it says, but it is the state forces that perpetrate fear and violence of the people,” ani Rosales. 

Para naman kay dating Department of Social Welfare and Development Chief Dinky Soliman, mas dapat tutukan ng gobyerno ang mga suliranin hinggil sa COVID-19 pandemic. 

"Asikasuhin nila ang pangangailangan ng mamamayan. Marami pa silang dapat asikasuhin lalong-lalo na sa usapin ng kalusugan, sa usapin ng pag-ayuda sa mga nagugutom, at usapin ng pagbubukas ng ekonomiya,” ani Soliman.

Nababahala naman ang human rights advocate na si Samira Gutoc ngayong hindi naman daw nito tinutugunan ang interes ng mga residente ng Marawi City. 

“We are deeply disturbed by the lack of justice, sense of fairness, sense of compassion by a government that committed a rehabilitation program. It’s not a peace process all alone that will commit it to a genuine justice and peace. Kinailangan po ng (We need) genuine action at trust-building sa (in) security establishments na sila po ang naging responsable sa napakaraming massacres po dito sa Mindanao,” ani Gutoc. 

Magiging epektibo ang batas sa Hunyo 18, o 15 araw matapos ito mailathala sa 2 pahayagan. 

— May ulat nina Isay Reyes at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.