BALIKAN: Mga eksena sa online Kapamilya prayer rally

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 04:15 PM

Nakiisa sa online prayer rally ang mga supporter at mga empleyado ng ABS-CBN ngayong nakabinbin sa Kongreso ang mga panukalang bigyan ito ng panibagong prangkisa. 

Bukod sa pagiging masugid na manonood ng Kapamilya Network, may mga kaibigan ang “Solid Kapamilya” na si Richard Montenegro sa loob ng network. 

Isa si Montenegro sa mga nakilahok sa tinatawag na “Online Kapamilya Prayer Rally” na layong ipakita ang pagmamahal at suporta sa ABS-CBN. 

"Alam kong hindi kayo pababayan ni Hesus kasama ni Maria ang kaniyang ina, nawa’y protektahan kayo, yakapin kayo ang buong pamilya, ang buong korporasyong ABS-CBN," dasal ni Montenegro, na umano’y 30 taon nang pinapanood ang network. 

Ramdam din ni Jessamae Samson, na nagtatrabaho nang 25 taon sa network ang pangamba ng mga kasamahan. 

Pero ramdam din niya ang suporta ng nakararaming Pilipino. 

Saksi siya kung paano minahal ng mga manonood ang ABS-CBN dahil sa ilang programang hinawakan niya bilang executive producer na kumilala sa husay, talento, malasakit, at kabutihan ng lahing Pilipino. 

“Sana maibalik na tayo para yung mga bata, they will be able to play, and learn at the same time. Yan po ang ginagawa ng department namin. With this I would like to encourage everyone to pray with us” ani Samson, Head of Content Production ng ABS-CBN Themed Experience. 

Nakiisa rin sa panalangin ang dating OFW at tindera na si Marie Dinglasan. 

Boses naman ng mga senior citizen at pangkaraniwang Pilipino ang nais niyang iparating sa mga kongresista. 

Naniniwala siyang magdudulot ng kasiyahan, kapayapaan at kaginhawaan para sa masang Pilipino ang pagbabalik ng network sa ere. 

“Ang ABS-CBN po ang tangi naming libangan na libre. Libreng panonood ng teleserye para sa matatanda at bata, Balita para makasagap para sa mga Pilipino,” ani Dinglasan. 

“Nakikiusap kami bilang mamamayan, sana naman ay pakinggan niyo kami kahit ngayong pagkakataon lang, sana naman wag natin idamay ang kaligayahan ng sambayanan,” dagdag niya. 

Bukod sa kaligayahan at serbisyong nabibigay ng ABS-CBN, pinakamabigat para sa Kapamilya fan na si Gnazi ang posibleng mawalan ng trabaho. 

Alam niya ang pakiramdam dahil daan-daan na rin ang na-lay off sa kompanya na pinagtatrabahuan ng kaniyang asawa. 

Kaya ngayon pa lang, naaawa na siya kung 11,000 ang makakaranas ng ganitong problema sa gitna ng pandemya. 

Nananatiling nakabinbin sa Kongreso ang mga panukalang layong ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN, na tigil-ere sa bisa ng cease and desist order na inilabas ng National Telecommunications Commission. 

Nangangambang mawalan ng trabaho ang libo-libong empleyado ng network, ayon sa mga ehekutibo at mga supporter nito, kung magpapatuloy ang pag-alis sa network sa himpapawid. 

— Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.