ALAMIN: Bakit planong kuwestiyunin ng isang grupo ang Anti-Terror Law sa SC?

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 07:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kinuwestiyon agad ng isang grupo ng mga abogado, La Salle Brothers, at civic groups ang kontrobersiyal na Anti-Terrorism Law isang araw matapos ianunsiyo na pirmado na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Ayon sa mga abogadong pinangungunahan ni Howard Calleja at sa mga De La Salle Brothers sa pangunguna ni Bro. Armin Luistro, bagama't kailangang lutasin ang mga banta sa seguridad ng bansa, masyadong mapaniil ang batas. 

Labag din anila ito sa Saligang Batas. 
 
"While threats to our national security need to be addressed, the law, as crafted, is oppressive and inconsistent with our constitution, hence, the petition. This fight against terrorism should not and should never be a threat to the fundamental freedoms of all peaceful Filipinos," ayon sa mga petitioner. 

Kabilang sa mga probisyong tinutulan nila ang kahulugan ng salitang terorismo, na ayon sa mga kritiko ay malabo. 

Kabilang din dito ang pagpaparusa sa pagbabanta o paghihikayat na gumawa ng terorismo o di kaya'y pag-recruit ng mga miyembro para sa isang terrorist organization. 

Kasama rin ang probisyon ukol sa pag-surveillance at pakikinig sa mga usapan ng mga hinihinalang mga terorista, ang pagtukoy ng Anti-Terrorism Council kung sino ang maituturing na mga terorista. 

Kabilang din ang pag-aresto at pagdetine ng mga suspek nang aabot sa 24 araw nang walang arrest warrant. 

Maging ang pagbuo ng Department of Justice, Anti-Terrorism Council, mga pulis, at militar ng implementing rules and regulations ng batas. 
 
Sa email ipinadala ang petisyon at balak nilang magtungo sa Korte Suprema para personal na ihain ito. 
 
Pero giit ng Philippine National Police at ng militar, mababantayan naman sa batas ang mga karapatan ng mga mamamayan. 
 
"The Anti-Terror law now does not give any additional powers on the part of the PNP. Second, all the courts even the legislature is still active and is operational," ani PNP Chief Police Gen, Archie Gamboa. 
 
"Himay-himayin namin, ine-explain natin sa mga sundalo kung ano yung law na ito, ano yung restrictions, ano ang bawal ninyong gawin, bakit nagkaroon ng law na ganito. This is for terrorists," ani Armed Forces of the Philippines chief of staff Felimon Santos. 

Aminado naman si National Security Adviser Hermogenes Esperon na maaaring gamitin ang social media posts para habulin ang sino mang inaakusahan ng terorismo, pero aniya, magpupulong pa ang konseho para matukoy kung sino lang ang ituturing na mga terorista. 

Sabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi pa niya nakikita ang petisyon pero magandang development umano ito para mabigyang-tugon ang lahat ng mga sangkot na lugar para maresolba ang legal at konstitusyonal na isyu. 
 
"I have not seen the petition but the filing of this and similar petitions has been expected. This is a positive development, as it provides all parties concerned the appropriate forum for the resolution of all the legal and constitutional issues involved, with finality," ani Guevarra. 

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.