69 pamilya sa Iloilo City lumikas dahil sa oil spill

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2020 02:57 PM | Updated as of Jul 04 2020 06:42 PM

Ang oil sheen na nakita malapit sa kanilang lugar. Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

ILOILO CITY - Nasa 69 na pamilya mula sa Barangay Barrio Obrero dito sa siyudad ang inilikas dahil sa hindi makayanang amoy matapos ang isang oil spill.

Pasado alas-2 Biyernes ng hapon nang may sumabog sa power barge ng isang power corporation malapit sa kanilang lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa initial na report, tumagas ang umaabot sa 48,000 litro sa tinatayang 200,000 litro ng bunker fuel na laman ng power barge.

Umabot sa 1,200 square meters na area ang apektado ng pagtagas ng langis.

Dahil dito, napilitan ang mga residente na nakatira malapit sa spill na lisanin muna ang kani-kanilang mga bahay.

Nababahala ang mga ito na maaaring sumama ang kanilang pakiramdam dahil sa amoy dulot ng langis. Ilan pa raw sa kanila ay may hika.

Pansamantalang nanatili muna sa Barrio Obrero Elementary School ang mga residenteng apektado ng oil spill. Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Pansamantala muna silang nanatili Barrio Obrero Elementary School.

Nagsagawa na rin ng inspeksyon sa Zone 3, Barrio Obrero matapos makita ang mga oil sheen.

May nakitang ilang namuong itim na langis sa ilalim ng mga bahay.

Sa kabila nito, may ilang residente na mas piniling manatili sa lugar.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng command conference ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council para alamin ang lawak ng oil spill. -- Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.