'Tumagas na tubig, pagpapagawa ng tubo, konsumer ang sasagot'

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi pa nga tinitirhan ang bahay, sapul na agad ng napakalaking bill sa tubig si Tina Palacios.

Higit P40,000 ang bayarin nila, na natuklasang dahil sa "underground leak" o tagas sa tubo na nakabaon sa lupa.

Babayaran pa rin nina Palacios ang singil pero bilang konsiderasyon, pinayagan ng Manila Water na mabayaran ang halaga sa loob ng 6 buwan. 

Masama ang loob ni Palacios dahil hindi naman nila nagamit ang tubig. 

"Gusto ko sana bigyan nila ng consideration na since wala naman nakatira talaga," ani Palacios. 

Lumobo naman sa P9,000 ang bill ni Rizalina Evangelista mula P3,000, na ayon sa Maynilad ay maaaring dahil din sa underground leak.

Ang solusyon para kina Evangelista ay ang pagpalit ng tubo gamit ang sariling pera. 

Ipinayo ng Maynilad sa kanilang mga kostumer na regular na suriin ang metro ng tubig.

Kapag pinatay lahat ng gripo at umiikot pa rin, ibig sabihin umano ay may tagas o ilegal na koneksiyon sa linya.

Silipin din daw ang tangke ng inidoro kung may tagas, maging ang biglang paglaki ng reading.

Kung may tagas, konsumer umano ang sisingilin.

"Anything after the meter ay sole responsibility ito ng customers. Bibigyan na lang namin siya ng pagkakataong makapagbayad sa mas mahabang panahon," ani Maynilad business area spokesperson Zmel Gravillo.

Kung hindi kontento ang kostumer, maaaring magpadala ng reklamo sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.