Suspek sa pagpatay sa lalaking natagpuan sa septic tank, arestado

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 05:16 PM

Nagdilim umano ang paningin ng suspek (naka-berdeng t-shirt) nang makitang magkatabi sa kama ang kinakasama nito at ang biktima. Larawan mula sa Narra Police

NARRA, Palawan – Nahuli na ng awtoridad ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang lalaking natagpuan sa septic tank sa Purok 4, Barangay Bato-Bato noong Martes.

Miyerkoles nang maaresto ng pulisya si Mayolo “Jay-ar” Colas sa Barangay Uno sa bayan ng Roxas.

Napag-alaman na mula Narra, bumiyahe ito sa Roxas dala ang motorsiklo ng biktimang si Erwin Felizarte. Ito ang naging lead ng awtoridad para matunton si Colas. 

Tumanggi noong una si Colas na siya ang hinahanap na suspek at nagpakilalang Mario dela Cruz. Dahil dito, hinanap ng pulisya ang sinasabing kinakasama nito at nang matunton sa isang bahay sa lugar dito na nalaman na nagpanggap lang pala ang suspek.

“Nakuha namin siya (babaeng kinakasama) then siya ang nagturo talaga na yung Mario dela Cruz na kinuha namin ay the same person," ayon kayani Police Maj. Carlito Valdez.

Ayon pa kay Valdez, ang suspek ang sumaksak at pumutol doon sa ari ng biktimang si Mayolo Colas. Mayroon na umanong warrant of arrest sa Kalibo, Aklan si Colas, sa kaso naman ng rape.

Base sa salaysay ng suspek, nagdilim ang paningin nito matapos makita ang kaniyang kinakasama at ang biktima na magkatabi sa kama. Dahil rito ay inundayan daw niya ng tatlong saksak ang biktima at pinutulan pa ng ari.

"Pagkatapos ay hinila niyang mag-isa papunta doon sa septic tank na pinagtapunan niya," dagdag ni Valdez.

Wala naman makitang partisipasyon sa krimen ang kinasakama nito, ayon sa pulisya.

Samantala, malaki rin daw ang naitulong ni Board Member Clarito Demaala IV at ilang Sangguniang Bayan Member ng Narra matapos maglabas ng pabuya para sa ikadarakip ng suspek.

"Nangyari ang krimen sa Narra, ayaw din namin mabansagang "crime capital of Palawan" kaya po natin talagang tinutukan yung ganoong klaseng krimen," paliwanag ni Demaala.

Mahaharap ang suspek sa kasong murder at sasampahan rin ito ng kasong carnapping sa pagtangay nito sa motorsiklo ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.