PH kabilang pa rin sa '10 worst countries' para sa mga manggagawa

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 08:38 PM

Muling napabilang ang Pilipinas sa "10 worst countries" para sa mga manggagawa ngayong 2019, batay sa Global Workers' Rights Index 2019 ng Trade Union Confederation.

Paliwanag ng grupo, ito ay dahil sa karahasang nararanasan ng mga nag-uunyon na manggagawa sa bansa.

Halimbawa na umano ang pagpaslang sa siyam na magsasakang nag-piket sa Sagay City, Negros Occidental noong Oktubre 2018 at ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na "barilin" ang mga gagaya sa kanila.

Kasama ng Pilipinas ang mga bansang Algeria, Bangladesh, Brazil, Colombia, Guatemala, Kazakhstan, Saudi Arabia, Turkey, at Zimbabwe sa listahan.

Nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Human Rights sa ulat. Paliwanag nila, ginagarantiya sa Saligang Batas ang karapatang magprotesta at mag-unyon pero marami umanong unyon ang nakakaranas ng karahasan.

"The shrinking of democratic space in the country also exacerbates the cause of workers. Their grievances are tagged as political dissent. Hence, many union groups are subjected to suppression, threats, and harassment,” anila sa pahayag.

Bumuwelta naman si Labor Secretary Silvestre Bello III sa ulat at sinabing apat lang ang labor-related killings sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.

Itinuring din ni Bello na "black propaganda" ang ulat.

"Obviously, this is just a black propaganda being used by this confederation," ani Bello.

Paliwanag ng kalihim: "Puro allegations kasi kung minsan eh, may namatay na ganito and then suddenly they make conclusions that they were killed because of their participation in unionization and labor advocacy."

Naniniwala si Bello na marami pang maipapagmalaki ang Duterte administration gaya ng security of tenure bill na pirma na lang ni Duterte ang hinihintay, at ang regularisasyon ng 500,000 manggagawa.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.