Namamato, nandudura sa mga motorista sa Osmeña Highway nasagip

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 05:03 PM

Nasagip ng Makati police noong Miyerkoles ang lalaking nakuhanan ng video na namamato at nandudura sa mga dumadaang motorista sa Osmeña Highway.

Nahanap ng mga pulis sa may Kalayaan Avenue, Barangay Singkamas ang 35 anyos na lalaki na dati umanong pasyente sa mental hospital.

Nakausap ng mga awtoridad ang kapatid ng lalaki na nagsabing pasyente ito sa mental hospital sa Mandaluyong pero kalaunan ay pinayagan nang makalabas dahil bumuti ang lagay, ayon kay Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

Muling ipinasok sa ospital ang lalaki.

Nakuhanan ng dashboard camera ang lalaki na naghagis ng malaking bato sa motorcycle rider sa may Osmeña Highway.

Pumulot din ng basura ang lalaki at ibinato sa dumadaang kotse, at nandura ng isang nakaparadang sasakyan.

Nangako naman ang National Capital Region Police Office na babantayan ang mga kalsada para maiwasan ang mga insidente ng pamamato.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.