Kasunduan nina Duterte, Xi legal at may bisa: Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 09:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinontra ng Malacañang ang mga pahayag ng 2 miyembro ng Gabinete na kailangan munang magkaroon ng pormal na dokumento ang verbal agreement nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping bago ito ipatupad.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hawak na ng China ang buong South China Sea kaya naman kailangan ng isang kasunduan para matiyak na mapayapang makakapangisda sa loob ng ating teritoryo ang mga Pilipino, kapalit man nito ay ang pagpasok ng China sa ating exclusive economic zone (EEZ).

"Nandoon na nga sila eh, kaya nga nag-uusap tayo na huwag tayong magkasakitan," ani Panelo.

Una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi puwedeng ipatupad ang kasunduan na base lamang sa simpleng usapan ni Duterte at Xi.

Sinabi naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ito ay simpleng kasunduan lamang.

"Unless it is translated formally into writing then it's just an agreement to become good neighbors," ani Nograles.

Pero matigas ang Palasyo sa paggiit na valid at legally binding ang kasunduan, na kasalukuyan na umanong ipinapatupad sa West Philippine Sea.

"Kung ano iyong napag-usapan nila, nangyayari na. Hindi tayo pinapakialaman sa Reed Bank. Pagkatapos, pinapabayaan nang mag-fish 'yong fisherman natin sa Scarborough Shoal," ani Panelo.

Sinabi ni Panelo na malinaw ang pahayag ng pangulo ukol sa kasunduan nila ni Xi kaya walang lugar para sa ano mang interpretasyon.

"They're entitled to their own interpretation," ani Panelo.

Nais naman ni Sen. Risa Hontiveros na ipaliwanag ng Palasyo ang detalye ng kasunduan at kung bahagi nga ba ito ng opisyal na foreign policy pagdating sa China at mga isyu sa West Philippine Sea.

Nanawagan din si Hontiveros sa mga kasamahan sa Senado na busisiin ang mga kasunduan pinapasok ng administrasyon kasama ang gobyerno ng ibang bansa.

--Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.