Karamihan ng na-food poison sa pakain ni Imelda na-discharge na

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 06:20 PM | Updated as of Jul 04 2019 09:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakauwi na nitong Huwebes ang karamihan sa mga dumalo sa selebrasyon ng ika-90 kaarawan ni dating First Lady Imelda Marcos na isinugod sa iba’t ibang ospital matapos mabiktima ng food poisoning sa Ynares Sports Arena, ayon sa disaster management office ng Pasig.

Umabot sa 261 pasyente ang isinugod sa iba’t ibang ospital sa Pasig at sa karatig-lugar nito nang makaramdam ng sintomas ng food poisoning ang mga bisita.

Pinagsaluhan ng mga dumalo ang adobo na may itlog at patatas na inihain ng mga organizer.

Na-discharge na ang karamihan sa mga pasyenteng na-confine sa iba't ibang ospital, maliban na lang sa Pasig City General Hospital kung saan may pito pang biktima na sinusuri ang mga doktor.

Kabilang sa naiwan sa ospital ang 70 anyos na si Amelita Abulencia, na matagal nang tumatangkilik sa mga Marcos.

"Gusto ko makita si ma'am (Imelda) at gusto kong mabati siya ng birthday. Nag-Grab kami pa-Ynares. Masayang-masaya kami," kuwento ni Abulencia, na nakaranas ng labis na pagdudumi at pagsusuka matapos ang pagtitipon.

Sa kabila ng kaniyang sinapit, walang balak magreklamo ni Abulencia. "Wala kaming masisisi kung ano man ang mangyari kasi, hindi nila kagustuhan iyan. Walang may gusto," wika ng 70 anyos.

Ayon kay Bryant Wong, acting head ng Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Office, sinagot ng organizer ang lahat ng gastusin ng mga pasyente.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Department of Health Spokesperson Eric Domingo, kinuhanan na ng Food And Drug Administration ng samples ang inihaing adobo para suriin. Kumuha na rin ang Research Institute for Tropical Medicine ng samples mula sa mga na-food poison na biktima.

Pagbabanggain ang resulta ng dalawang pagsusuri para malaman kung saan nagmula at ano ang bacteria na nakalason sa mga dumalo sa pakain ni Marcos.

-- Ulat nina Jasmin Romero at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.