Dating tanod, itinurong mastermind sa pagpatay sa ginang sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 04:44 PM

MURCIA, Negros Occidental – Isang dating barangay tanod ang umano’y nag-utos para ipapatay ang isang mag-asawa sa nasabing bayan noong Martes ng gabi.

Mismong ang naarestong gun-for-hire na si Nicolie Terambolo ang nagturo sa umano’y mastermind na nagbayad sa kanila ng P100,000 para patayin sina Manny at Maritess Mondejar.

Nasawi sa insidente si Maritess habang ligtas naman ang asawa nito.

Ayon sa pulisya, iniimbestigahan na nila ang alegasyon ni Terambolo.

Kasalukuyang nakakulong sa kasong pagpatay sa isang lalaki sa bayan ng Don Salvador Benedicto noong Hunyo ang itinuturo ni Terambolo na mastermind. 

Nasampahan na ng kasong murder at frustrated murder si Terambolo na naaresto matapos pasukin ang bahay ng mag-asawang Mondejar at pinagbabaril ang mga ito. 

Tinututukan pa ng pulisya kung may kinalaman ang kasong pagbabaril sa mag-asawang Mondejar sa kasong kinasangkutan ng dating barangay tanod dahil parehong away sa lupa ang motibo sa dalawang insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.