14 anyos na tindero nagsauli ng naiwan na P130,000 sa Kalibo airport

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2019 12:36 PM

KALIBO, AKLAN – Pinapurihan ang isang water vendor sa Kalibo International Airport nang magsauli ito ng P130,000 halaga na nakita niyang naiwan sa palikuran sa naturang paliparan. 

Kuwento ng 14 anyos na si LJ Alejandro, noong Miyerkoles, gagamit siya ng palikuran nang mapansin ang isang itim na pouch. Nang buksan, nakita niya ang salapi. 

Agad na bumalik sa kanilang tindahan si Alejandro para ikuwento ang kaniyang nakita at pumunta sila sa Kalibo Airport Police Station para iprisenta ito sa awtoridad. 

Naglalaman ng perang nagkakahalaga ng P130,000 ang pouch at ang mga ID ng may-ari na si Yihe Hong, isang 33 anyos na Chinese national. 

Noong araw na iyon, agad ding pumunta si Hong sa istasyon para i-report ang nawalang gamit. Nang makumpirma ng pulis na siya ang nagmamay-ari ng pouch, agad itong itinurn-over ni Alejandro sa kaniya. 

Bilang pasasalamat, nagbigay si Hong ng bahagi ng naiwang pera sa mag-ina bago lumipad patungong Tsina. 

Ipinaaalala ng pulisya na maging alisto ang publiko sa kanilang mga kagamitan. 

Hinikayat din nilang pumunta agad sa pulisya ang mga makakahanap ng mga nawawalang gamit.

-- Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.