Mga nasa narco-list, hindi pinupuntirya: PDEA

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 08:48 PM | Updated as of Apr 24 2019 05:22 PM

Ito'y sa kabila ng pagkapaslang sa ilang opisyal na idinadawit sa ilegal na droga. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Si Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom ang kauna-unahang mayor na napatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 2016.

Sunod na napatay si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. matapos makipagpalitan umano ng putok ng baril sa mga pulis na nagsisilbi ng search warrant sa Baybay Provincial Jail sa Leyte noong Nobyembre 2016.

Pito pang mayor ang napatay sa mga sumunod na taon kabilang si Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog at Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili.

Ika-10 nang biktima si General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

MGA NAPASLANG NA MAYOR:

  • Datu Saudi Ampatuan Mayor Samsudin Dimaukom
  • Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. 
  • Pantar Mayor Mohammad Exchan Limbona 
  • Marcos Mayor Arsenio Agustin
  • Bien Unido Mayor Gisela Bendong-Boniel
  • Balete, Batangas Mayor Leovino Hidalgo 
  • Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog 
  • Buenavista Mayor Ronald Lowell Tirol 
  • Tanuan City Mayor Antonio Halili

"Everyday is alarming to us, most especially when it comes to security," ani Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño.

Ayon kay DILG acting Secretary Eduardo Año ang mga naturang pagpatay ay sumisira sa kampanya ng gobyerno laban sa krimen.

"Nagbigay na rin naman ng kautusan 'yong ating pangulo na bigyan ng atensiyon mabuti itong cases na sunod-sunod na pagpatay sa mga mayor," sabi ni Año. 

Nilinaw ng DILG na hindi lahat ng napatay ay dahil sa droga.

Sa 10 mayor na napatay, sina Dimaukom, Espinosa Sr., Parojinog, at Halili ang umano'y nasa narco-list na hawak ng pangulo.

Sabi pa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mas malawak sa Batangas ang operasyon ni Halili.

"Si Mayor Halili is connected with a (Batangas) drug group and aside from that, he is also affiliated with one mayor sa Central Luzon who is operating (drugs) in the Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga," ani PDEA Dir. Aaron Aquino.

Nasa 100 pang mga mayor ang nasa narco-list ng PDEA at 200 pang barangay chairman. 

Kabilang sa mga nangangamba ngayon para sa kanilang buhay sina Maasin Mayor Mariano Malones at Siegfredo Betita ng Carles, Iloilo na kapwa dating nabanggit ng pangulo na kasama sa drug list.

Sabi ni Malones, hindi siya nag-aalala ukol sa pagsangkot sa kaniya sa drugs kundi sa mga kalaban sa pulitika.

Iginiit din ni Betita na malinis ang kaniyang konsensiya at masakit aniyang "mapagkamalan" lang.

Kinumpirma rin ng PDEA na nasa narco-list si ARMM Assemblyman Sidik Amiril na tinambangan nitong Lunes, Hulyo 2. 

Nakaligtas ang assemblyman pero napatay ang kaniyang kasama.

Pero paglilinaw ng PDEA, hindi totoo na iniisa-isa na ang mga nasa narco-list.

"Habang may namamatay yung iba tina-take advantage na rin para gumawa sila ng hindi magandang bagay. It's not true 'pag ikaw ay nasa narco-list or sa NDIS (National Drug Identification System) ka ng PDEA e you'll be subjected for an extra judicial killing," ani Aquino.

Ayaw pang ilantad ng PDEA ang iba pang pangalan na nasa narco-list dahil binubuo pa ang mga kaso laban sa kanila.

Ayon kay Vice President Leni Robredo, tila wala na ngang pinipili ang mga patayan.

Nababahala rin siya na nagiging pangkaraniwan na lang ang mga karahasan.

"Tila wala na itong pinipili, mula sa mga pari, mga kawani at opisyal man ng pamahalaan, hanggang sa mga tambay at kabataan. Nakababahala kung iniisip na ng iba nating mga kababayan na pangkaraniwan na ang ganitong karahasan sa ating lipunan," pahayag ni Robredo.

Hindi naman dapat maging kultura ng bansa ang mga patayan ayon sa League of Cities of the Philippines.

Dapat ding pag-aralan muli ang mga nasa narco-list at bigyan ng karapatan na maipaliwanag ang mga sarili. 

"We are for due process and respect for the rule of law," pahayag ng League of Cities of the Philippines.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.