Mag-nobyo na tumangay umano ng sasakyan, arestado

Ara Casas, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 11:04 AM

Bukod sa sasakyan, narekober mula sa mag-nobyo ang dalawang baril, mga bala, passbook at checkbook na pagaari din ng biktima. Ara Casas, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Arestado ang isang babae at nobyo nito Martes ng gabi sa R. Castillo Street sa lungsod na ito dahil sa kasong pagtangay ng sasakyan at illegal possession of firearms. 

Nahuli ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group-Davao Region at ng Sasa Police si alyas Sheena at karelasyon nitong si alyas Melvin, isang Special Cafgu Active Auxiliary (SCAA).

Nakuha sa kanila ang pick-up ni Eduardo Tan na natagpuan namang patay sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Hizon noong Hunyo 29.

Umamin si Sheena na siya ang huling kasama ni Tan.

Ayon sa kaniya, naghubad umano si Tan sa kaniyang harapan at tinutukan siya ng baril. Nag-agawan pa sila ng baril hanggang sa pumutok ito at tinamaan sa dibdib ang biktima na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Sabi ni Sheena, natakot umano siyang umamin at i-report na patay na si Tan. Dagdag niya, hiniram pa nila ang sasakyan ni Tan.

Bukod sa sasakyan, narekober din mula sa mga suspek ang .9mm na baril umano ni Tan, kalibre .45 na issued firearm kay Melvin, passbook, checkbook at cellphone ng biktima.

Naireport na din umano ni Tan sa awtoridad na pinagnakawan siya ni Sheena ng pera at cheke noong Mayo 8.

Patuloy na iniimbistigahan ng awtoridad ang insidente upang matukoy kung may pananagutan ang mga suspek sa pagkamatay ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.