'Sukdulan ang galit ko': Mga biyuda ng mga napatay na sundalo sa Sulu nagdadalamhati

Jorge Cariño, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 04:59 PM | Updated as of Jul 03 2020 10:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Naihatid na sa kani-kanilang probinsya ang mga labi ng tatlo sa apat na sundalong napatay sa pamamaril ng mga pulis noong Lunes ng hapon sa bayan ng Jolo, Sulu.

Noong Huwebes ng gabi ay binigyang pugay ang mga napatay na sundalo sa burol sa Libingan ng mga Bayani.

Kinilala ang 4 sundalong nasawi bilang sina Maj. Marvin Indammog, Cpt. Irwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco, at Cpl. Abdal Asula matapos ang isang shooting incident sa pagitan ng mga pulis.

Nasa intelligence operation laban sa mga terorista ang 4 na sundalo nang mapatay ng mga pulis. 

DALAMHATI
 
   
Palahaw at hiyaw ng mga galit na kamag-anak ang sumalubong nitong Biyernes sa pag-uwi ng mga labi ni Indammog sa bayan ng Tanudan, Kalinga.
    
Sa eulogy, nagsalita ang isang dating kaklase at dinakila ang integridad at prinsipyo ni Indammog sa pagtulong sa kapwa.

"Naaalala ko pa kumakain kami sa isang restaurant sa Iligan nun. Sa di kalayuan natanaw niya ang isang grupo ng mga Koreano, kung saan ang isa dun ay binatukan ang isang pobreng waiter ng restaurant. Tumayo agad si Major Indammog, sinunggaban ang Koreano at kanya itong inumbag. Ayaw niyang makita, ayaw na ayaw niyang makita na merong isang tao na naaapi, na merong isang taong naaapakan ang kaniyang karapatan," ani Capt. Randolf Manding, kaklase ni Indammog.

Nakaburol na rin sa Lipa City sa Batangas si Managuelod. Wala pang isang taon mula nang sila’y ikasal, biyuda na ngayon ang misis ni Managuelod.

"Sabi niya nga sa akin, kahit 5 years na lang tapos titigil na raw siya. Ide-devote ko na 'yung time ko 'yung oras ko sa'yo at sa magiging family natin, sabi niya... Very family man talaga siya," ani AJ Managuelod, biyuda ng sundalo. 

Wala namang salitang maaaring maglarawan sa dalamhati ng isang nanay na makitang bangkay na umuwi ang anak.

"Sana naman mabigyan ng hustisya itong pagkamatay niya. Namatay siya nang walang kalaban-laban talaga," ani Precy Managuelod, nanay ni Managuelod.

Tatlong paslit naman sa San Pablo City sa Laguna ang naulila ni Velasco. Huwebes ng madaling araw nang maiuwi ang labi ni Velasco sa kanilang tahanan.

"Hindi ko alam paano magsisimula... Yun po 'yung napakasakit... Sukdulan ang galit ko sa kanila kasi 3 anak ko ang nawalan ng ama," ani Maffi Velasco, biyuda ng sundalo. 

Martes ng susunod na linggo iluluwas pabalik sa Maynila ang labi ni Velasco para sa huling 2 gabi ng lamay bago ihatid sa huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani.

Si Asula naman ay nauna nang inilibing sa kanilang lugar sa lalawigan ng Sulu.

Nauna nang sinabi ng Army na "murder" ang nangyari at pinasinungalingan ang naunang sinabi ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.