Mga labi ng 2 sundalong namatay sa Sulu, naiuwi na

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 08:49 PM

BATANGAS--Naiuwi na sa kani-kanilang lalawigan ang mga labi ng 2 sundalo na nasawi sa Jolo, Sulu, matapos barilin ng mga pulis.

Dumating ang mga labi ni Capt. Irwin Managuelod sa Lipa City Biyernes ng madaling-araw at labis ang dalamhati ng misis nitong si AJ.

Wala pa kasing isang taon nang ikasal sila at plano na sanang bumuo ng isang pamilya.

"Sabi niya nga sa akin, kahit 5 years na lang, tapos titigil na raw siya. 'Ide-devote ko na 'yung time ko 'yung oras ko sayo at sa magiging family natin.' Very family man talaga siya," ani AJ.

Hindi na rin nakapagdiwang ng birthday ang ina ni Managuelod.

"Pangako niya nu'ng birthday ko, uuwi sila kaso nga may lockdown. Walang biyahe, hindi siya nakauwi. Hindi rin siya nakatawag sa akin," ani Precy.

Hustisya ang apela ng pamilya ni Managuelod na nagsilbing inspirasyon sa kanilang mga kabarangay bilang unang PMA graduate sa Barangay Pinagtong Ulan.

Naiuwi na rin nitong Huwebes ng madaling-araw ang mga labi ni Sgt. Jaime Velasco Jr. sa kanilang tahanan sa San Pablo City, Laguna.

“Hindi ko alam paano magsisimula. Ang pera nauubos 'yan, pero 'yung buhay niya na habang buhay mong kasama pagpapalaki ng anak namin. 'Yun po 'yung napakasakit . . . Sukdulan ang galit ko sa kanila kasi 3 anak ko ang nawalan ng ama," ani Maffi, misis ni Velasco Jr.

Hangad din ng retiradong sundalong ama ni Velasco ang patas na imbestigasyon sa nangyari.

"Sana walang bias, maging patas . . . Sana nga makonsensiya naman sila sa ginawa nila. Kaya sabi ko, maparusahan ang dapat maparusahan," ani Velasco Sr.

Nakatakdang ibalik sa Maynila ang mga labi ni Velasco Jr. sa Hulyo 7 para sa huling 2 gabi ng lamay bago dalhin sa Libingan ng mga Bayani.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.