Higit 40,000 litro ng langis tumapon sa karagatan sa Iloilo City

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 09:58 PM | Updated as of Jul 04 2020 12:00 AM

MAYNILA (UPDATE) - Higit 40,000 litro ng langis ang tumapon sa karagatan sa bisinidad ng Barangay Lapuz, Iloilo City matapos sumabog ang tangke ng isang power barge Biyernes ng hapon.

Sa initial report ng Philippine Coast Guard, sumabog ang 1 sa 4 na tangke ng Power Barge Number 102 sa Zone 3, Bo. Obrero, na may 48,000 litro ng langis.

Agad nirespondehan ng PCG-Iloilo at Marine Environmental Protection Unit ang insidente.

Nasa 1,200 metro ang naitalang lawak ng kumalat na oil spill sa Iloilo Strait, ayon kay Noel Hechanova, head ng Iloilo City Environment and Natural Resources Office (CENRO).

Nagsasagawa na ng oil recovery operation upang matanggal ang natapong langis.

Naglagay ang PCG ng oil spill booms na magsisilbing "second layer" sa nauna ng spill booms na nailagay.

Nagpapatuloy rin ang assessment ng CENRO kung gaano kalawak ang pinsalang naidulot ng oil spill lalo sa marine life sa lugar.

Ayon sa PCG, magdamag ang gagawing recovery operation at sa Sabado, may isang pribadong kompanyang magpapadala ng isa pang oil skimmer upang makatulong sa pag-recover ng langis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.