'Ginastusan ko yan!': Ilang jeepney drivers libo-libo ang inutang para sa balik-pasada

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 10:14 AM | Updated as of Jul 03 2020 10:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Balik na sa lansangan nitong Biyernes ang ilang jeepney matapos ang 4 na buwang pagbabawal sa kanila sa gitna ng pandemyang COVID-19. 

Kabilang sa mga unang bumiyahe si Alberto Gloria na may ruta sa Quezon City.

Malaki-laki ang inutang niya na P10,000 para makasunod lang ang jeep sa mga itinakdang health protocol ng pamahalaan. May dibisyon, plastic cover, at may disinfectant fogging machine pa sa jeep ni Gloria.

"Sumunod kami sa protocol. Ginastosan ko 'yan para kapuri-puri naman at para safe 'yung mga mananakay," pagmamalaki niya.

Umaasa si Gloria na mababawi ulit ito kaya excited na siyang pumasada ulit.

"Excited na excited na ako mamasada. Matagal akong di nakapamasada. Wala na kami maipangtustos sa pamilya," aniya. 

Umaasa naman ang iba pang jeepney driver sa ibang ruta na mapapayagan din silang bumiyahe sa mga susunod na linggo.

Sa ngayon, kakaunti lang ang bumiyaheng mga tsuper di gaya dati na sangkaterba ang mga traditional na jeep na nakakalat sa lansangan.

Ayon sa PISTON, bagama't pinayagan nang magbalik-pasada ang ilan sa mga traditional jeep ngayong araw, maraming tsuper pa rin ang hindi pa handa ang mga unit.

"Sa tingin ko, problema don ay sabik sila bumiyahe, pero hindi pa malinaw kung ano kailangan ihanda sa sasakyan... Obviously hindi pa nila nababasa 'yung guidelines, lalo't Ingles kailangan pa ipaliwanag sa kanila," ani Steve Ranjo, secretary general ng PISTON. 

Nasa 6,000 jeepney ang pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pumasada sa higit 40 ruta. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.