Contract tracing sa jeepney inilatag ng DOTr

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 08:23 AM | Updated as of Jul 03 2020 08:40 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inilatag ng Department of Transportation (DOTr) ang suhestiyon nila para sa contact tracing ng mga pasahero ngayong nakatakdang bumalik pasada ang mga tradisyunal na jeepney sa lansangan ngayong Biyernes.

"Ang suggestion ko d'yan dapat sabihan na nila ang mga pasahero nila na maghanda na ng kapirasong papel kung saan naka-indicate ang pangalan, telephone number, at address," ani Assistant Secretary Alberto Suansing, consultant ng DOTr.

Ito ay para malaman ang impormasyon ng mga pasahero para madali silang matunton sakaling magkaroon ng COVID-19 ang isa sa mga ito.

"Kada isang round trip bubukudbukurin niya 'yun para di maghalohalo yung pag-contact tracing," ani Suansin.

Matapos ang apat na buwang paghihintay, papasada na ang higit 6,000 tradisyunal na jeep na may 47 na ruta, matapos maglabas ng bagong patakaran ang Land Transport Franchising and Regulatory Board noong Miyerkoles.

Dinepensahan naman ng DOTr ang desisyon ng pamahalaan na paikliin ang ruta ng mga lumang jeep.

"Iyang jeepney talagang pangmaiksiang biyahe lang talaga, 10 kilometers at most. Kaya lang nasanay na ang mga operator. Pag mahaba na ang biyahe malaking sasakyan na ang kailangan. Sinadya nating paikliin," ani Suansing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.