ALAMIN: Paano malalaman kung scam ang nakatransaksyong online seller?

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 04:29 PM | Updated as of Jul 03 2020 10:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Unang linggo pa lang ng Mayo nang umorder si alyas “Marife” sa isang online shopping app ng isang air conditioner.

Naakit siya sa online shopping site na ito dahil puwede ang installment kahit walang credit card.

Pero nang makausap ang seller, nagtaka siya nang pinapa-full payment siya ng P9,000 bago ikasa ang kaniyang order.

“‘Yung app nila agreed to deliver dito sa area ko… Pero kailangan paid in full muna,” ani Marife.

Pagdating ng linggo na ng Mayo, hindi pa dumarating ang kaniyang order, at nang makabalik sa website, nalaman niyang kanselado na ang kaniyang order kaya humingi siya ng refund.

“Nagtanong ako, did you cancel my order without getting my consent tapos nag-so-sorry sila that it was cancelled then ok fine kinancel nyo then where's my money?”

Pero ngayon, wala pa rin ang kaniyang refund.

Isang electric razor naman ang in-order ni alyas “Bong” noon pang Marso pero inabot na ng lockdown at hindi pa niya ito natatanggap.

Na-engganyo rin siya dahil installment at walang downpayment.

“Naniningil talaga sila as in makulit sila maningil kapag due date,” ani Bong.

Ayon sa National Bureau of Investigation, dumarami rin ang reklamo sa kanila ng non-delivery of items sa online shopping sites at individual sellers.

Payo ni Victor Lorenzo, NBI Cybercrime Division chief, silipin muna ang mga terms and conditions ng nasabing site bago ikasa ang transaksyon.

May iba kasi aniyang sites na hindi binibigay ang pera sa online hanggang sa matiyak na nakarating na ito sa dapat na tatanggap ng item sa maayos na kalagayan.

“Kahit nagbayad ka na using yung apps na yun, yung online facility na yun hindi nila credit dun sa account nung supplier until i-accept mo yung package at satisfied ka dun sa package kaya titignan mo yung provision in term of condition nung shopping facility na yun kung may hold over ibig sabihin hindi nila credit yung bayad sa seller until ma-satisfy yung buyer,” ani Lorenzo.

Nagpaalala din ang NBI na mag-ingat sa mga online seller na namumuwersa ng kanilang mga mamimili.

“Kung titingnan mo halos lahat ng online scam selling, laging may sense of urgency pinipilit kang 'pay first' pero kung legitimate seller ka naman hindi mo insist yun laging may sense of urgency. Remember hindi lang masabi bayad ka bago namin deliver lagi nilang sinasabi na last item na ito, ito lang 'yung item,” ani Lorenzo.

Ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group, sinasamantala ng ilan ang pandemya para pagbayarin ng mobile money ang mga biktima sa mga online platform.

"Dahil nga po sa pandemic dahil nga po limitado yung galaw po ng bawat tao which is supposedly dapat cash on delivery minsan nagkakaroon sila ng arrangement na magbayad online gamit po yung online banking," ani PNP Anti-Cybercrime Group chief Marlon Flores.

Payo pa ng mga awtoridad, kung hindi kaya ang cash-on-delivery, makiusap muna na mag-downpayment at bayaran ang matitirang halaga oras na makarating na ang item sa kostumer.

— Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.