5 lalaki arestado sa ilegal na sabong sa Bacolod

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 11:46 PM

Limang lalaki, kabilang ang isang caretaker, ang nahuling nagsasabong sa isang chicken farm sa gitna ng banta ng pandemya sa Bacolod City. Kuha ng CIDG-Negros Occidental

Limang lalaki, kabilang ang isang caretaker, ang nahuling nagsasabong sa isang chicken farm sa gitna ng banta ng pandemya sa Bacolod City, Negros Occidental nitong Biyernes ng hapon.

Nahuli ang mga lalaki matapos salakayin ng ilang miyembro ng Negros Occidental – Criminal Investigation and Detection Group ang naturang farm sa Barangay Alangilan.

Aabot sa 27 na mga panabong na manok ang nakumpiska. Ilang weighing scale at gamit panabong ay nasabat din.

Ayon kay Police Lt. Col. Anthony Gantang, hepe ng CIDG-Negros Occidental, ilang sabungero ang nakatakas nang mapansin ang paparating na operatiba. Kaya hindi niya rin matukoy kung sinu-suno ang iba pang sangkot sa insidente.

"Hindi pa rin po allowed 'yung mga gathering ng maraming tao. Ina-avoid po natin yan para hindi po kumalat po ang virus dito po sa atin,” ani Gantang.

Bukod sa nahuling caretaker ay sasampahan din nila ng kaso ang kapatid nitong may-ari ng farm.

Kasong paglabag sa Presidential Decree 449 hinggil sa illegal cockfighting ang isasampa laban sa mga nahuli.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.