Ilang residente sa Marilao inilikas dahil sa 'hazardous waste'

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 11:07 PM | Updated as of Jul 04 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BULACAN (UPDATE)—Ilang residente sa Marilao, Bulacan ang inilikas nitong Miyerkoles dahil sa masangsang na amoy mula sa hinihinalang hazardous waste na itinapon sa isang bakanteng lote.

Inilikas ang mga residente ng Barangay Prenza Dos matapos makatanggap ng ulat ang Marilao Municipal Risk Reduction Management Office na ilang residente na ang nahihirapang huminga, nakaramdam ng pagkahilo at paninikip ng dibdib.

Tigil-operasyon din ang isang planta sa lugar dahil halos hindi kasi makahinga ang mga empleyado nito.

Ayon sa isang kawani ng planta, nakita nilang may 3 trak ang nagbaon ng tila kemikal sa bakanteng lote.

"Tinakpan ng backhoe... Sobrang baho, masakit sa mata. Halos hindi ako makahinga," ani Virgilio Flores.

Itim na mala-sementong kemikal ang ibinaon sa lugar.

Isang pribadong paaralan din ang nagkansela ng klase dahil dito.

Tantiya ng Marilao LGU, nasa 1,000 pamilya na nakatira malapit sa lugar ang posibleng maaapektuhan.

Ayon kay Marilao municipal administrator Wilfredo Diaz, kompanyang gumagawa ng kaldero ang nagtapon doon ng kemikal.

"Ayon sa business permit, ang hanapbuhay gumawa ng kaldero. 'Yung waste nun ang tinabunan," aniya.

Magsasagawa ng pagsusuri ang Provincial Environment Office ng Bulacan para matukoy kung anong klase ng kemikal ang ibinaon sa lugar.

Sa ngayon, namahagi muna ang mga opisyal ng face mask sa mga residente.—Ulat ni Dexter Ganibe at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.