Anak ng CDO mayor, 7 iba pa huli; party drugs nasamsam sa Angeles City

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 04:48 PM | Updated as of Jul 03 2019 05:10 PM

Walong katao, kabilang ang anak ng isang alkalde, ang naaresto ng awtoridad sa buy-bust operation sa isang hotel sa Barangay Malabanias sa Angeles City kung saan nakumpiska ang nasa P1-milyong halaga ng party drugs.

Nakilala ang mga suspek na sina Bernice Fabiosa, 21; Ma. Isabel Lawas, 19; Aileen Baldon, 23; Jamie Mendoza, 20; Jessa Scott, 19; Bernadeth Saavedra, 19; Gregorio Imperial, 26; at Sean Moreno, 42, na anak umano ni Cagayan De Oro Mayor Oscar Moreno. 

“I was able to speak with the suspect po at kinonfirm po niya na anak siya ng mayor,” sabi ni Glenn Guillermo, Public Information Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 3.

Hunyo 29 nang madakip ang mga suspek matapos na makipag-transaksiyon para sa P200,000 na halaga ng DMT, isang uri ng party drug na hallucinogen.

“Hindi sila nag-stay dito sa Pampanga, sa Manila sila, may binagsakan lang po sila dito sa Angeles City. It’s a highly urbanized city, nandun 'yung mga pubs so siyempre nandun 'yung mga parties,” sabi pa ni Guillermo. 

Ang pagkakaaresto sa kanila ay bunga ng isang buwang surveillance at sa tulong na rin ng isang impormante.

Nakuha sa kanila ang aabot sa P1-milyong halaga ng party drugs tulad ng 310 tabletas ng ecstasy; limang pirasong Dimethyl Tripticase (DMT); 100 piraso ng valium; tatlong plastic ng hinihinalang kush or hybrid marijuana; isang plastic na may tinatayang 0.75 gramo ng cocaine; at weighing scale.

Positibo din sa drug test ang ilan sa mga suspek kabilang si Moreno.

Nakasuhan na ang mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa PDEA Regional Office 3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.