ALAMIN: Parusa sa 'pagsuspende ng klase' gamit ang fake account

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 03:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong Hulyo 1 ay ibinunyag ni Manila Mayor Isko Moreno na may social media account umano na gumagamit ng kaniyang pangalan para ianunsiyo na suspendido na ang klase kahit walang pormal na abiso ang kaniyang tanggapan. 

"Kanina (Hulyo 1) po talagang may pasok tayo. Pero gusto ko malaman ninyo na may mga nag-announce, (and) if I put it in the right perspective nangsasabotahe. Nakalulungkot man isipin na iyon ay nangyayari pa rin sa ngayon, ako po ay nakikisuyo na huwag lituhin ang taumbayan," aniya sa isang Facebook live video. 

Ano ang mga maaaring paglabag sa ganitong klaseng sitwasyon? 

Ayon kay Atty. Claire Castro, labag sa Republic Act 10175 o "Anti-Cybercrime Law" ang pag-anunsiyo ng maling balita ukol sa pagsuspende ng klase gamit ang pangalan ng iba. 

Saklaw ng naturang batas ang cyber-squatting - o paggamit ng account o pangalan ng isang personalidad sa social media para sirain ang kaniyang pangalan. 

"'Yung para bang may isa nang pangalan na kilala na sa trade name, o kilala na 'tong pangalan na ito. Ini-squat-an na ito, pretending na pangalan mo na ito. So ito ay labag na rin po sa batas 'yung cyber-squatting," ani Castro sa "Usapang de Campanilla" noong Martes. 

Paliwanag pa ni Castro, malaki ang posibleng danyos para sa pekeng impormasyon ukol sa suspension, lalo't makakaapekto ito sa kaayusan sa mga establisimiyento gaya ng paaralan, gaya ng posibleng "stampede" kapag nagsuspende ng klase. 

Ayon sa RA 10175, maaaring patawan ng 12 taon o higit pang pagkakakulong ang sino mang mapapatunayang gumawa ng cyber-squatting. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.