1 patay, 2 arestado sa droga sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2019 05:01 AM

MAYNILA—Patay ang isang lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Malasin, San Jose City, Nueva Ecija Martes ng gabi.

Ayon sa pulisya, pinaputukan umano ni alyas Buboy ang mga operatiba nang aarestuhin na sana siya.

Nauwi ang operasyon sa engkuwentro at napatay si Buboy. Nakatakas naman ang kaniyang kasamahang lalaki na sakay ng motorsiklong walang plaka.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 na baril at 5 basyo ng kalibre 9mm na baril.

Sa Barangay Rafael Rueda, arestado ang 2 lalaki sa buy-bust operation matapos magbenta ng P500 halaga ng marijuana.

Itinuturong tulak ng droga ang mga suspek na parehong nasa drugs watch list ng lugar.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.