Same-sex marriage at civil union: Ano ang pagkakaiba?

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2018 05:50 PM | Updated as of May 09 2019 05:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa katatapos lang na Pride month, maraming naitalang mga pangyayari na maaaring ituring na "makasaysayan" para sa lesbian, gay, bisexual, transgender (LGBT) community, o malaking hakbang para sa kanilang adbokasiya.

Isa sa mga ito ay ang ginanap na oral arguments sa Korte Suprema kung saan dalawang araw hinimay at pinagdebatehan ng mga mahistrado ang petisyon na layong tanggalin ang limitasyon para makapagpakasal ang mga may parehong kasarian. 

Ayon sa petisyon ng abogadong si Jesus Falcis na isinampa niya noon pang 2015, nais niyang ipawalang-bisa ang Articles 1 at 2 ng Executive Order No. 209 o ang Family Code of the Philippines dahil ito lamang ang nagsasabing bawal ikasal ang parehong kasarian. 

Sa "Usapang De Campanilla" ng DZMM nitong Lunes, sinabi ng abogadong si Atty. Erin Tañada na may punto ang argumento ni Falcis.

"Sa isyung ito maliwanag na kung literal o plain words ng Konstitusyon ang pagbabatayan natin, klaro na walang nakalagay na man at woman lang ang [maaaring] magpakasal," ani Tañada.

Paliwang niya, "generic" o walang kasarian ang mga ginamit na termino sa Saligang Batas.

Section 2. Marriage, as an inviolable social institution, is the foundation of the family and shall be protected by the State. 

Nalimitahan lamang ito sa Family Code kung saan tahasang tinukoy na babae at lalake o heterosexual couple lamang ang maaaring mag-isang dibdib.

'KAMALIAN' SA PETISYON

Isa sa mga nakikitang "problema" ni Tañada sa petisyon ni Falcis ay hindi umano siya ang nagkaroon ng "injury" dahil sa naturang batas.

"Ang problema ng mga mahistrado sa kaniya [Falcis], may injury ba sa iyo? Ikaw ba ay nakapag-file ng marriage certificate before at hindi ka binigyan dahil ang [nais mong] asawa ay lalaki?" 

"[Kasi] you can only go to court kapag may injury sa iyo. May karapatan kang na-violate. May demandable right ka na hindi ka pinagbigyan ng estado o kahit sino," dagdag ng abogado. 

Gayunpaman, sinabi ni Tañada na may posibilidad pa rin na desisyunan ng Korte Suprema ang merito ng petisyon na sang-ayon sa LGBT community.

"Ngayon ang interesting nga dito, kung sasabihin nga ng Korte na hindi kailangan ng injury, i-rule na natin ito, [of] transcendental importance ang issue na ito, at sasabihin nilang 'yung particular provisions ng Family Code are unconstitutional, then it's like they're saying na puwede na [magpakasal]," anang abogado. 

PAGKAKAIBA

Maaari rin namang payagan ng Korte ang "civil union" at hindi ang same-sex marriage.

"Iyung pagkakaiba lang nu'ng dalawa is may religious connotation 'yung marriage eh. Sa civil union, puwede kayong magsama na parang may rights and obligations 'yung dalawang panig sa isa't isa," giit ni Tañada.

Sa ilalim ng civil union, magkakaroon na ng batas na mangangasiwa sa pag-aampon, paghahati ng ari-arian, at pagkakaroon ng karapatan sa partner sa oras ng sakit ang mga LGBT couple. 

"Kahit dito muna tayo. Step by step," ayon sa abogado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.