TINGNAN: Paghahanda ng mga jeepney driver sa bisperas ng balik-pasada

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 01:38 PM

Naghahanda na ang ilang tradisyunal na jeep sa inaasahang balik-pasada nila sa Hulyo 3. Lyza Aquino, ABS-CBN News


Naghahanda na ang ilang tradisyunal na jeep sa inaasahang balik-pasada nila sa Hulyo 3. 

Sa terminal ng jeep na may biyaheng Quezon Avenue-Sta. Mesa via Araneta Avenue, ilang jeep ang handa na para sa pamamasada. 

Isa rito ang jeep ni Celo Cabangon na nilagyan ng plastic dividers sa loob. Naglagay na rin sila ng alcohol at signage na nagpaalala ring dapat may physical distancing sa pagpasok ng jeep. 

May “no, mask, no ride” din na karatula sa terminal. 

Kuwento ni Cabangon, pinagtulung-tulungan nilang mga drayber ang pondo para makabili ng divider lalo’t higit 3 buwan silang natigil sa pamamasada. 

"Talagang makapaghanda po hindi baleng umutang po sila, mahanda lang ‘yong mga [physical] distancing," ani Cabangon. 

"Sobrang importante po kasi yan lang po ang inaasahan naming driver operator sa pagpapabuhay pagpapaaral sa anak iyan po ang sumusuporta sa amin," dagdag niya. 

May foot bath din sa may terminal at bagong sistema kung paano magbabayad ng pamasahe ang mga pasahero. 

Nitong Biyernes, naglabas ng memorandum ang Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa balik operasyon ng mga "roadworthy" traditional jeepney sa Metro Manila.

Hindi na kinakailangan ng special permit at sa halip ay bibigyan ng QR code ang mga operator na maaaring i-download sa LTFRB website. 

Kailangan ding may insurance policy ang mga tsuper at sumunod sa safety measures ang mga tsuper at pasahero.

Pero duda ang grupong Alliance of Concerned Transport Organization na makakapasada na ang mga jeep sa Biyernes, dahil sa dami ng hinihinging requirements umano ng ahensiya. 

Ani De Luna, kailangan muna nilang dumaan sa pagsusuri para matiyak na roadworthy ang mga jeep bukod sa iba pang requirements kaya imposibleng magbalik-pasada na ang mahigit 6,000 tradisyunal na jeep. 

"Hindi naman lahat yan ay makakatakbo dahil doon pa lang sa pagkuha ng mga requirements sa DOTr (Department of Transportation) at LTFRB ay mahihirapan na tayo. Eh paano po makakalabas bukas. Imposible po yan,” ani De Luna. 

Maaalalang tatlong buwan nagtigil-pasada ang mga jeep kasabay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Pinayagan lang ang pagbabalik-pasada ng mga pampublikong sasakyan nang isailalim sa general community quarantine ang Metro Manila - na itinuring na episentro ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Pero kumpara sa ibang lugar, paunti-unting pinayagan ang pamamasada ng mga sasakyan ngayong may banta pa rin ng COVID-19. 

-- May ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.