Pulisya makikipagtulungan sa QC hospital kasunod ng umano'y hostage incident

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 02:40 PM | Updated as of Jul 02 2020 04:42 PM

MAYNILA - Planong makipagtulungan ng Quezon City Police District sa East Avenue Medical center kasunod ng pangho-hostage umano sa isang doktor ng pasyenteng nagpapagamot noong Miyerkoles. 

Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Ronnie Montejo, bagamat maituturing na isolated case ang nangyari, nakikipag-ugnayan pa rin sila sa pamunuuan ng ospital para malaman kung anong tulong ang pwede nilang maibigay upang matiyak ang seguridad ng mga frontliner at mga pasyente.

May mga nakaposte rin anyang mga help desk malapit sa mga ospital sa lungsod.

Nauna ng sinabi ni Dr. Willie Saludares ang head ng emergency room ng trauma department ng East Avenue Medical Center, na "isolated case" lang aniya ito. 

Nanatili rin aniyang mahigpit ang seguridad sa ospital kaya walang dapat ikabahala ang mga pasyente.

Sa ngayon nasampahan na ng kasong grave coercion, grave threat at alarm and scandal ang nang-hostage umano na kinilalang si Hilarion Achondo. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.