Pagpuslit ng pork products mula China tinututukan: Agri dep't

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 12:58 PM | Updated as of Jul 02 2020 05:42 PM

MAYNILA — Inihayag ngayong Huwebes ng Department of Agriculture na tinututukan ng ahensiya ang smuggling o pagpuslit ng mga pork product mula China para maiwasan ang pagpasok ng bagong uri ng swine flu.

"So nakikiusap kami sa mga nagnenegosyo na nagpapaparating pa rin illegally, itong pork and pork products na galing mas lalo sa China... 'wag na natin dagdagan ang problema natin sa bansa," ani Agriculture Secretary William Dar.

Bagaman may quarantine measures ang DA, hindi ito sapat para malabanan ang G4, sabi naman ni Agriculture Spokesperson Noel Reyes.

Gaya ni Dar, umapela rin si Reyes na itigil na ang pagpuslit ng pork products.

"Although mataas na yung quarantine measures natin, may mga tao diyan, nakakalampas po and again sila ang dahilan po kung bakit nakakapasok ang mga sakit na ito kagaya ng [African swine fever]," ani Reyes.

Sa pag-aaral na inilabas ng isang journal sa Amerika, natuklasan ang isang panibagong klase ng swine flu sa China, na tinawag na G4.

Galing umano ang G4 sa strain ng H1N1 virus na naging pandemya noong 2009.

Nakakahawa sa tao ang virus at may posibilidad ding magdulot ng pandemya, ayon sa pag-aaral.

Nauna nang ikinabahala ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura ang bagong tuklas na virus lalo at hindi pa tapos ang problema ng Pilipinas sa Afircan swine fever at coronavirus disease.

Pero sinabi na rin ng Bureau of Animal Industry na masyado pang maaga para masabing mapanganib ang virus.

Sa ngayon, ipinagbabawal ang pag-angkat ng baboy at manok mula China dahil sa African swine fever, avian flu, at iba pang sakit ng mga hayop.

-- May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.