Pagkawala ng SKYdirect, TVplus ikinalungkot ng ilang tagaprobinsiya

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 05:53 PM | Updated as of Jul 02 2020 06:12 PM

MAYNILA — Apektado ang ilang residente sa iba't ibang probinsiya matapos ipatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng SKYdirect at TVplus. 

Nanghihinayang sila matapos mawalan ng pinagkukunan ng impormasyon at entertainment ngayong kalagitnaan ng pandemya. 

Araw-araw nanonood ng TV ang magkapatid na sina Jhubelle at Jhubelyn Odiongan sa Baguio City. Paboritong channel nila sa TVplus ang Asianovela at Yey. Pero ngayon, hindi na nila napapanood ang mga ito.

Si Sheryn Bilag naman, dahil nakatira sa lugar na mahina ang signal ng internet, nagpakabit ng SKYdirect noong Hunyo para may mapaglibangan sila at makuhanan ng impormasyon.

Apektado rin si Carl Marin ng Romblon, Romblon, na subscriber ng SKYdirect mula pa noong 2019. Ayon kay Marin, bilang isang PWD na hirap maglakad, ito na lamang din ang kaniyang libangan ngayong may pandemya. 

Nag-aalala naman si Ron Ron Guemo na isa ring SKYdirect subscriber sa Catanauan, Quezon dahil may prepaid load na sila sa SKYdirect na aabot pa sana hanggang Nobyembre, pero hindi na nila magagamit dahil sa pagkawala ng signal.

Ang pamilya ng welder na si Junald Polinario sa gilid ng National Highway ng Barangay Manuangan, Pigcawayan, Cotabato nakatira kaya mas nais nilang manatili sa bahay.

Delikado para sa kaniyang anak at iba pang mga bata sa lugar na maglaro sa labas ng bahay kaya bumili siya noong nakaraang taon ng SKYdirect para may libangan ang mga bata.

Pero dahil sa kautusan ng NTC, hindi na nila alam ang gagawin. 
 
Humingi naman ng pang-unawa ang ABS-CBN sa pagkawala ng programa sa TVplus at SKYdirect dahil sa cease and desist order ng NTC. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.