Cebu City gagawa ng bagong sementeryo dahil sa COVID-19 deaths

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2020 07:09 PM

CEBU CITY — Gagawa ng panibagong sementeryo ang lungsod na ito dahil puno na umano ang kanilang mga libingan bunsod ng maraming pagkamatay sa COVID-19 at ibang mga sakit.

Nakatambay sa isang tindahan sa loob ng Calamba Cemetery si Melbert Baguio. Namatay ang kaniyang hanapbuhay bilang tagabungkal ng lupa sa sementeryo kung may ililibing at tagabuhat ng mga ataol na ipapasok sa nitso.

"Wala nang makukuhanan ng pera. Wala nang inililibing dahil puno na ang sementeryo, wala nang bakante," ani Baguio.

Ayon kay Baguio, wala na siyang mapagkuhanan ng pera lalo’t pinalawig pa ang enhanced community quarantine sa lungsod.

Nag-e-extra siya ngayon bilang tagagawa ng lapida at pagtitinda ng kandila sa sementeryo.

Ayon naman sa tindera ng kandila na si Shiela Mialda, nitong panahon ng pandemic ay aabot nang halos 20 bangkay ang inililibing sa Calamba Cemetery kada araw. 

Ipinaalam din ni Cebu City Councilor Dave Tumulak na aprubado na ang kaniyang ipinasa na resolusyon na gagawa ng panibagong libingan sa siyudad na tatawagin nilang Cebu City Memorial Park.

Ito ay para mabigyan ng solusyon ang napupuno na nilang mga sementeryo sa lungsod.

Marami na kasi ang namamatay sa COVID-19 sa siyudad at sa iba pang mga sakit.

Ayon kay Tumulak, base sa record na kanilang nakuha sa mga ospital sa Cebu City ay aabot na din sa halos 20 ang mga namamatay kada araw.

Hindi pa kasali sa bilang ang mga nakukuhang bangkay ng mga punerarya sa Cebu City na aabot din sa 10 kada araw.

"Kasi maraming namamatay na ngayon hindi lang COVID pati ang mga natural cause of death marami na rin. So pagkatapos ng COVID-19 kung may mamatay na rin saan natin ilalagay? So kailangan natin na magtayo talaga," aniya.

Dagdag ni Tumulak, isang government lot ang paglalagyan ng bagong libingan.

Tulong na rin ito ng LGU sa mga namatayan dahil mahal ang babayaran sa cremation na aabot sa P60,000 kumpara kung magpapalibing lang na aabot ang gastos sa P15,000.

May memorandum ang Department of Health na sa mga mamatay na COVID-19 patient o suspected ay kailangang i-cremate o ilibing sa loob nang 23 oras.

Hinihintay na lang ng LGU ang pag-apruba ng City Health at City Environment Office para makasimula na sila sa paglibing sa bagong sementeryo ng lungsod.

Ipinaalam din ng Mandaue City government na bibili sila ng mortuary freezer van para sa mga namatay sa COVID-19 sa lungsod dahil problema din nila ang napupunong mga libingan sa siyudad.

Gagamitin ang mortuary freezer para paglagyan ng mga bangkay na namamatay sa COVID-19 na naghihintay na ma-cremate.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.