SSS sa mga amo: Magbayad habang walang multa sa di-paghuhulog

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 08:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dekada nang kasambahay sa pamilya Caballero na si Fausto Almencion, 63, pero hindi siya naihulog ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) mula 2008 hanggang 2013.

Ngayong may "condonation program" o pagtatanggal ng multa, agad sumali ang amo ni Almencion na si Esther Caballero.

Isang bagsak na binayaran ang kulang na SSS contribution ni Almencion na halos P20,000, na kung walang condonation ay aabot ng higit P50,000 dahil sa mga multa.

"Napakalaking tulong po para sa ating employer," ani Caballero.

Nagpaalala ang SSS na sagot ng employer ang kontribusyon ng kasambahay kung mas mababa sa P5,000 ang buwanang suweldo.

Kung P5,000 ang sahod, P410 ang sagot ng amo habang P200 naman ang ambag ng kasambahay.

Sa ilalim ng condonation, inaalis ang 3 porsiyentong multa kada buwan.

"Mas malaki ang penalty kaysa sa contribution so kung hindi mo ito ia-avail sayang dahil ma-update mo na ang records ng mga empleyado mo, makaka-enjoy na sila ng benefits ng SSS," ani SSS president at chief executive officer na si Aurora Ignacio.

Bukod sa kasambahay, pasok din sa condonation ang mga delingkuwenteng employer na may maraming empleyadong hindi nahulugan ng kontribusyon.

"Kahit hindi ka pa rehistrado, puwede mo nang simulan ang kontribusyon nila simula nang sila'y naging empleyado sa 'yo," ani Ignacio. 

Hanggang Setyembre 1, 2019 na lang ang condonation program, na hindi mauulit sa susunod na taon.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.