Pekeng beterinaryo, 2 iba pa, timbog sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2019 05:30 PM

Natimbog sa entrapment operation noong Lunes sa Pulilan, Bulacan ang isang nagpapanggap na beterinaryo at dalawa niyang kasamahan na muntik na umanong magsagawa ng operasyon sa isang aso.

Dinampot ng mga kawani ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nagpakilalang beterinaryong si Edson Garcia at mga kasamahan niya bago nila maturukan ng tranquilizer ang asong dala ng mga awtoridad.

Ooperahan sana ng mga suspek ang aso.

Narekober sa mga suspek ang mga gamot na gagamitin sana sa operasyon.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Inireklamo sa mga awtoridad si Garcia ng Philippine Veterinary Medical Association matapos umanong makatanggap ang grupo ng maraming reklamo laban sa pekeng beterinaryo.

Nakakuha rin ang CIDG ng sertipikasyon mula Professional Regulation Commission na nagpapatunay na wala sa kanilang database si Garcia.

Mahaharap sa kasong illegal practice of veterinary medicine ang 3 suspek.

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.